Lalawigan ng Cagayan, Isinailalim na sa State of Calamity!

Cauayan City, Isabela- Isinailalim na sa State of Calamity ang Lalawigan ng Cagayan dahil sa patuloy na banta ng Coronavirus disease (COVID-19).

Sa ibinahaging impormasyon ni Ginoong Rogie Sending, tagapagsalita ng *Cagayan* Provincial Information Office, idineklara ito ngayon ni Gov. Manuel Mamba bagamat wala pang deklarasyon mula sa Sangguniang Panlalawigan.

Ginamit munang batayan ng Gobernador ang “general welfare clause” na nakasaad sa Saligang Batas at maging ang direktang atas ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte para labanan ang panganib dulot ng COVID-19.


Ito ay upang magamit ng mga lokal na pamahalaan mula barangay hanggang probinsiya ang kani-kanilang calamity fund para pangtustos sa anumang gastusin habang umiiral ang Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.

Ito’y dahil iniatang na rin sa mga Lokal na Pamahalaan ang paniniguro sa suplay ng pagkain sa mga mamamayan na hindi na pinapalabas ng kanilang tahanan at hindi na pinapayagang magtrabaho habang nakataas ang Enhanced Community Quarantine.

Matatandaang, nagpasa ng resolusyon ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Council o PDRRMC na humihiling sa Provincial Board na isailalim sa State of Calamity ang lalawigan dahil sa banta ng COVID-19 sa isinagawang emergency meeting nitong nagdaang Araw ng Sabado, Marso-14, 2020.

Facebook Comments