*ISABELA*- Isinailaim na sa state of calamity ang buong lalawigan ng Isabela matapos hilingin nina Isabela Governor Faustino “Bojie” Dy III at Vice-Governor Antonio “Tonypet” Albano dahil sa matinding pinsala na iniwan ng bagyong Ompong dito sa Lalawigan ng Isabela.
Sa naging panayam ng RMN Cauayan kay ginoong Romy Santos, ang media consultant ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela, pumapalo na sa mahigit 3Billion pesos ang napinsala sa agrikultura habang inaalam pa ang inisyal na pinsala sa mga Imprastraktura.
Umabot naman sa mahigit 50 libong indibidwal ang lumikas sa mga evacuation centers dito sa ating Lalawigan at marami na sa mga ito ang nakauwi na sa kani-kanilang tahanan.
Dagdag pa rito ay nakatakdang mamahagi ng mga relief packs ang ating gobyerno sa mga naapektuhan ng bagyong Ompong sa pangunguna ni Labor Secretary Silvestre “Bebot” Bello III.
Samantala, pinaghahandaan na rin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ang inaasahang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte bukas dito sa ating Lalawigan matapos itong bumisita kahapon sa probinsya ng Cagayan.