Lalawigan ng Isabela, Muling Nakatanggap ng SGLG

Cauayan City, Isabela – Muling kinilala ang lalawigan ng Isabela ng DILG sa pamamagitan ng Seal of Good Local Governance ngayong taon.

Sa panayam ng RMN News Team kay Isabela Provincial Information Officer Jessie James Geronimo, kanyang ibinahagi na ngayong umaga ng Nobyembre 27, 2007 ay tinangggap ni Gobernador Faustino ‘Bojie’ Dy III ang naturang parangal sa Tent City, The Manila Hotel.

Ipinaliwanag ni Ginoong Geronimo na mahirap at masusing proseso ang dinaanan ng lalawigan sa naturang pagkilala ng DILG dahil may apat na core areas at tatlong essential areas na dapat ipasa bago ikonsidera sa naturang parangal.


Ang apat na core areas ay ang good financial administration, disaster preparedness, social protection at peace and order. Samantalang ang tatlong essential areas ay ang business competitiveness, environmental management at culture, arts and tourism development na kung saan ay ipinasa lahat ito ng Isabela.

Sinabi pa ni Geronimo na ang naturang pagkilala ay siyang pinaka prestihiyosong parangal na sumisimbolo ng integridad at maayos na pamamahala ng isang lokal na pamahalaan.

Kasama sa naturang award ang premyong tatlong milyong piso.

Ang lalawigan ng Isabela ay tatlong deretso nang taon mula pa noong 2015 na tumatanggap ng naturang pagkilala.

Maliban sa lalawigan ng Isabela, pumasa din ang 12 bayan at ang tatlo nitong siyudad sa Seal of Good Local Governance.

Idinagdag pa ni Ginoong Geronimo na sa 81 na probinsiya sa Pilipinas ay 29 lang ang nakapasa sa naturang parangal.

Ang pagbibigay ng parangal ay mismong naipasakamay sa isang seremonya na pinangunahan nina Atty Francis Tolentino, ang Political Affairs Officer ni Pangulong Duterte at ni DILG Officer-In-Charge Catalino S Cuy.

Facebook Comments