Lalawigan ng Isabela, Nasa Red Alert Status na sa Bagyong Ompong!

Cuayan City, Isabela – Inilagay na sa red alert status ang lalawigan ng Isabela kaugnay sa posibleng pananalasa ng bagyong ompong.

Ito ang inihayag ni Isabela Provincial Administrator Atty. Noel Manuel Lopez sa ginanap na pulong balitaan sa tanggapan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council o PDRRMC kaninang umaga.

Ayon kay Atty. Lopez, pinapairal na ang pre-emptive and post evacuation sa lahat ng munisipalidad at naka-stand by na sa ngayon ang mga volunteers at rescuers ng Isabela para sa mga coastal areas gaya ng Dinapigue, Palanan, Maconacon at Divilacan na mas maapektuhan ng bagyong ompong.


Mahigpit na ipinapatupad na ang No sail, No Fishing, No Swimming at Liquor ban sa buong Isabela at pinaigting rin ang deployment ng mga pulis sa lahat ng munisipalidad ng Isabela upang malaman ang sitwasyon at panahon sa bawat lugar.

Nagtalaga narin ng technical at maintenance team ang Isabela Electric Cooperative o ISELCO 2 na magbigay ng abiso sa taumbayan sa mga maaring epekto ng bagyo sakaling mawalan ng koryente ngunit pinakiusapan na umano ng provincial government ang ISELCO 2 na huwag mag-brown out kung kinakailangan.

Nakaalerto narin umano ang lahat ng Liga ng Mga Barangay, mga mayors at iba’t ibang ahensya ng gobyerno dito sa lalawigan ng Isabela upang maging handa sa maaring idulot ng bagyong ompong.

Samantal nagbigay narin ng paabiso si Provincial Agriculturist Dr. Angelo Naui na anihin na lamang ang mga pananim ng mga magsasaka kung maari nang anihin kaysa masalanta pa umano ito ng bagyong ompong.

Facebook Comments