Cauayan City, Isabela- Nakatakdang igawad ang deklarasyon na drug cleared ang probinsya ng Quirino matapos na makapasa sa proseso ng oversight committee ng Police Regional Office 02 (PR02) at Philippine Drugs Enforcement Agency-Region 02 (PDEA-R02).
Ayon kay P/Col.Renato Mallonga, Provincial Director ng Quirino Police Provincial Office (QPPO), bunga aniya ito ng kanilang pinaigting na kampanya sa iligal na droga na programa ni Pangulong Rodrigo Duterte at dating PNP Chief Dir.Gen Ronald “Bato” dela Rosa.
Aniya, dumaan sa butas ng karayom ang lalawigan ng Quirino sa mga oversight committee bago pumasa sa mahabang proseso na ngayo’y nakatakdang ideklara bilang drug cleared.
Hinihintay nalang umano ang iskedyul para sa seremonya kung saan ay inaasahang magiging panauhing pandangal si Pangulong Duterte o si Senador dela Rosa.
Sa kabuuan, pangalawa na ang Lalawigan ng Quirino na maideklarang drug cleared sa buong lambak ng Cagayan kung saan ay naunang naideklara ang lalawigan ng Batanes.