
Pinalalawak ng LANDBANK ang suporta nito sa mga kooperatiba, negosyo at agri-producers sa Cebu sa pamamagitan ng mas madaling access sa pautang at makabagong banking services.
Sa pagbisita sa Cebu noong 01-02 Oktubre 2026, nakipagpulong si LANDBANK President at CEO Lynette V. Ortiz sa mga pangunahing organisasyon at negosyante sa lalawigan upang talakayin ang kanilang mga plano sa pagpapalawak.
Binigyang-diin ni LANDBANK President at CEO Ortiz ang kahalagahan ng sapat na pagpopondo at digital banking services upang mapalago ang mga operasyon, makalikha ng trabaho, at makatulong sa ekonomiya at seguridad sa pagkain sa Visayas.
Nakipagpulong din ang LANDBANK sa Top Line Group para sa posibleng pagpopondo at transaction banking services para sa pagpapalawak ng fuel distribution, logistics at port operations nito.
Kasama naman ang Lite Group of Companies, tinalakay ang suporta sa inter-island shipping upang mapabilis ang paggalaw ng mga kalakal at mapalakas ang koneksyon ng mga komunidad sa Visayas, Mindanao at Southern Luzon.
Kabilang din sa mga tinalakay sa mga pagbisita ay ang mas malawak na paggamit ng LANDBANK digital banking, collection, payment, cash management services, at pagpapalago ng Cebu CFI Community Cooperative — isa sa pinakamalalaking kooperatiba sa bansa.
Nakipagpulong din ang Bangko kay 2026 LANDBANK Ulirang Mangingisda awardee Teodulo C. Llego para sa pagpapalawak ng kanyang sustainable aquaculture operations sa Ronda, Cebu. Ang kanyang negosyo ay nakatutulong sa lokal na produksyon ng pagkain at nagbibigay ng trabaho at kabuhayan sa kanyang komunidad.
Sa mga pakikipagtulungang ito, patuloy na sinusuportahan ng LANDBANK ang mga proyektong lumilikha ng trabaho, nagpapasigla sa kalakalan, at nagpapalakas sa suplay ng pagkain sa Cebu at buong Kabisayaan.










