
Yellow alert sa Visayas Grid, ipatutupad mamayang hapon
Itataas na naman sa Yellow Alert ang Visayas Grid ngayong araw.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ipatutupad ito dakong
alas-5:00 ng hapon hanggang alas-6:00 ng gabi.
Kabilang sa mga dahilan ng Yellow Alert ang hindi operasyon ng malalaking coal-fired power plants na PEDC Unit 3 at KSPC Unit 1, gayundin ang limitadong power import mula sa Mindanao dahil sa mga planado at hindi planadong outage ng ilang planta.
Idinideklara ang Yellow Alert kapag hindi sapat ang operating margin upang matugunan ang contingency requirement ng transmission grid.
Gayunman, hindi ito nangangahulugan na magkakaroon agad ng power interruption, ngunit indikasyon ito na mas limitado ang reserbang suplay ng kuryente.
Nananatili namang normal ang suplay ng kuryente sa Luzon at Mindanao Grid.










