Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan ng DENR na ang insidente ng pagguho ng lupa na sumasaklaw sa average na lapad na 90 metro at kabuuang taas na 1,592 metro sa ibabaw ng dagat ay naganap sa Sitio Dioriong, Barangay Villa Gracia, Maddela, Quirino.
Iginiit nito na ang insidente ay natural na pangyayari dahil sa malakas na pag-ulan.
Base sa ulat ng mga investigating team na binubuo ng mga tauhan ng Community Environment and Natural Resources Offices ng San Isidro, Isabela at Nagtipunan, Quirino; at mga lokal na pamahalaan ng mga bayan ng San Agustin at Maddela, ang lugar ay natatakpan ng mossy forest at limestone rock formation sa loob ng Quirino Protected Landscape.
Natuklasan din ng grupo ang mga bedrocks at boulder sa kahabaan ng Sili Creek na natagpuan sa paanan ng lugar ng insidente; at discolored water na umaagos mula sa tuktok ng landslide site.
Binigyang-diin ni RED Bambalan na walang taong naninirahan sa lugar at wala ring bakas ng mga ilegal na aktibidad ang nakita sa site maging sa mga kalapit na lugar batay na rin sa ulat ng investigation team na isang Linggong nag-trek upang marating ang eksaktong lokasyon ng landslide.
Para naman matiyak ang kalagayan ng pinakamataas na bahagi ng bundok at matukoy kung ano ang posibleng dahilan ng insidente ng pagguho ng lupa, ang DENR kasama ang Mines and Geosciences Bureau ay nagtakda ng aerial surveillance sa pakikipag-ugnayan sa mga kaukulang awtoridad.