Anim na landslides ang naganap sa iba’t-ibang barangay ng bayan ng Sangay sa Partido area, Camarines Sur. Pinaniniwalaang ang mga ito ay sanhi ng walang humpay na pag-ulan nitong nakaraang araw.
Sa impormasyong unang ipinaabot ni Kasamang Audie Concina ng DZRP (Radyo Partido) ang mga pagguho ng lupa ay naganap sa Sitio Kabutaran at Sitio Batanes sa Barangay Sibagwan, Sitio Odiongan sa Barangay Turagi, Sitio Subo sa Barangay Bungalon, Sitio Sta. Cruz sa Barangay Patitinan, at sa Barangay Minadunggol, lahat sa bayan ng Sangay sa 4th congressional District ng Camarines Sur.
Sa Sitio Batanes, Barangay Sibagwan, patay si Ryan Lasmariñas, edad 32, nang madaganan ng gumuhong lupa ang bahay nito. Balot pa ng kumot ang biktima nang ma-recover ang kanyang bangkay. Pinaniniwalaang mahimbing ang pagkakatulog nito nang maganap ang landslide bandang alas 3 ng madaling araw kanina.
Samantala, himala namang nakaligtas si Lolo Felipe Olaño, 85 anyos. Kasama sa bahay ng namatay na biktima si Lolo Felipe. Naalimpungatan at nagising umano si Lolo at naramdaman nito ang pagguho ng lupa kung kaya’t nakatakbo ito palabas at papalayo.
Samantala, sa Sitio Odiongan sa Barangay Turagi, ng kaparehang bayan, nasugatan naman sanhi din ng landslide si Christine Bantal, edad 19.
Kaugnay nito, nanawagan ang MDRRMO ng Sangay sa mga residente na nakatira sa mga delikadong lugar na maging maingat at lumikas na muna sa ligtas na lugar para matiyak ang kanilang kaligtasan.
Abangan sa DWNX Bareta sa Pagkaudto mamyang 11:45 AM with RadyoMaN Ed Ventura ang iba pang detalye ng balitang ito.
Kasama mo sa balita at serbisyo publiko, Audie Concina, RadyoMaN Ed Ventura, Tatak RMN!
Photo: from post of Jun Pasa
Landslides sa CamSur, 1 Patay, Isa Sugatan, Lolo, 85, Nakatakbo, Ligtas!
Facebook Comments