Langaw at Lamok, Carrier na rin ng ASF ayon sa isang Pag-aaral

Cauayan City, Isabela-Itinuturing na rin na carrier ng African Swine Fever ang langaw at lamok base sa ginawang pag-aaral na isinagawa ng Central Luzon State University (CLSU) sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Ayon kay Dr. Ronald Dalauidao, hepe ng Cauayan City Veterinary Office, nagpositibo sa ASF ang mga langaw na hinuli at isinailalim sa pag aaral.

Dagdag pa ng opisyal, hindi man infected ang mga langaw tulad ng mga tao ay mabilis na naikakalat ang virus na kumakapit sa mga ito dahil na rin sa katangian ng mga langaw na palipat lipat at dumadapo kung saan-saan.


Sa ilang pag aaral, ang isang langaw ay nakakapaglakbay hanggang limang kilometro ang layo.

Sa ngayon umabot na sa 48 mula sa 65 na barangay ng Cauayan city ang apektado ng ASF, 36 dito ang natapos na sa disinfectation.

Umabot narin sa mahigit 10 libong baboy mula sa backyard at commercial hog raisers ang sumailalim sa culling.

Sa kasalukuyan, may apat pang barangay ng lungsod ang inoobserbahan ng City Veterinary office.

Aminado si Dr. Dalauidao na kukulangin ngayon ang suplay ng karne sa lungsod lalo na sa darating na kapaskuhan. Mula sa average na 150 baboy na kinakatay sa slaughter house ay bumagsak ito ngayon sa 50 na lamang.

Tanging ang mga bayan ng Benito Soliven at San Mariano, Isabela ang hindi pa tinatamaan ng ASF na pinakamalapit na maaaring pagkuhanan ng karne ng baboy.

Facebook Comments