Cauayan City, Isabela-Sinampahan na ng kasong paglabag sa RA 10591 ang isang lalaki matapos umanong magpaputok ng baril sa kanyang tahanan bandang 7:10 ng umaga kahapon, Hunyo 7, sa Brgy. Mabnang, Claveria, Cagayan.
Kinilala ang suspek na si Cavite Queja, 49-anyos, may-asawa, isang karpintero at residente sa lugar.
Ayon kay PMSg. Richie Roger Hernandez, imbestigador sa kaso, una nang nakatanggap ng impormasyon ang pulisya sa pamangkin ng suspek na isang 20-anyos na nagpaputok ng baril ang kanyang tiyuhin na agad namang tinugunan ng pulisya.
Lumalabas sa imbestigasyon na hiniling na isuko ng suspek ang kanyang baril na hawak subalit tumanggi ito at sinabing hindi ito nagpaputok ng baril.
Agad na kumilos ang pulisya kasama ang dalawang pamangkin ng suspek para hanapin ang bala at baril na kanyang ginamit.
Narekober naman ng mga awtoridad ang baril na ginamit ng suspek na isang Smith at Wesson USA caliber 38 na may limang bala na nakalagay sa magazine at apat na bala habang isang basyo ng bala ang narekober na pinaniniwalaang pinaputok ng suspek.
Ipinasakamay na sa Crime Laboratory ang bala na narekober sa insidente para sa ballistic examination habang isinailalim sa paraffin test ang suspek dahil una na nitong itinanggi na hindi siya nagpaputok ng baril.