League of Cities of the Philippines, tinutulan din ang panawagang ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas

Tinutulan ng League of Cities of the Philippines (LCP) ang panawagang ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas.

Sa pahayag na ipinadala ng LCP sa Malacañang, sinabi ni LCP President Cebu City Mayor Michael Rama na sinusuportahan nito ang panawagan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na magkaisa ang bansa para sa pagpapatuloy ng kapayapaan at pag-unlad.

Ang LCP aniya ay sumusuporta sa nararapat na itinalagang awtoridad at nananatiling matatag sa pagtataguyod ng Konstitusyon.


Dagdag pa ni Rama, ang isang tanda ng tunay na naglilingkod sa bayan ay ang nagseserbisyo ng walang halong pag-iimbot.

Samantala, nanawagan din ang Union of Local Authority of the Philippines (ULAP) sa mga Pilipino na magsama-sama upang makamit ang isang inklusibo at sustainable na pag-unlad sa buong bansa dahil tinututulan din nito ang anumang hakbang upang paghiwalayin ang alinmang rehiyon sa iba pang bahagi ng bansa.

Facebook Comments