Inaprubahan na ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang P209 milyon budget para sa learning continuity plan para ngayong School Year 2020-2021.
Bilang chairperson ng Quezon City University (QCU) Board of Regents, sinabi ni Belmonte na bukod sa mga modules at tablets na ipagkakaloob sa mga public school students, kailangan ding bigyan ang mga college student para makatugon sa ‘new normal’ na pag-aaral.
Inihahanda na ng unibersidad ang transition sa flexible learning modalities kabilang ang offline, online at blended learning.
Isa sa mga pangunahing programa na nasa pipeline ay ang QCU Laptop Loan program, kung saan ang mga mag-aaral at guro na may limited access sa learning devices ay mga benepisyaryo habang nanatili sa unibersidad.
Ayon naman kay QCU Officer in Charge Dr. Victor Endriga, kasama rin sa inilaang pondo ang pagbili ng mga karagdagang medical supplies at equipment.
May tatlong campus ang paaralan na matatagpuan sa San Bartolome, San Francisco at Batasan na mayroong total enrollment na 9,000 college students.