*Cauayan City, Isabela- *Bahagyang humupa ang lebel ng tubig sa ilang bayan sa Probinsya ng Cagayan bunsod ng Bagyong Ramon.
Ayon kay Cagayan Governor Manuel Mamba, posibleng bumalik na sa kani-kanilang tirahan ang ilang mga residente na hindi naman gaanong apektado ang kanilang mga tirahan sa pinsala ng bagyo.
Sinabi pa nito na hindi muna pinapayagan ang tatlong bayan na kinabibilangan ng Sta Teresita,Gonzaga maging sa Sta. Ana dahil sa nangyaring flashflood dito.
Nadagdagan pa ng mahigit sa anim na libong katao ang inilikas ng pamahalaan na ngayon ay nasa mahigit isang daan na evacuation center sa lalawigan.
Samantala, apektado rin ang ilang palaisdaan at mga pananim na mais na nasira sa Lalawigan ng Isabela dahil sa malawakang buhos ng ulan na kanilang nararanasan.
Ayon kay PDRRM Officer Basilio Dumlao, umabot na sa inisyal na apat na milyong piso ang pinsala sa mga pananim na mais at palaisdaan batay sa ipinalabas ng Provincial Agriculture Office.
Sa ngayon ay naghahanda na rin ang Lalawigan ng Isabela sa posibleng pananalasa ng Bagyong Sarah.