Cauayan City, Isabela-Nakakuha ng 99.75 score ang lokal na pamahalaan ng Cauayan sa katatapos na Final Assessment sa pagpapatupad ng Road Clearing Operations na mandato ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Sa panayam ng iFM Cauayan kay Ret. Col. Pilarito ‘Pitok’ Mallillin, POSD Chief, labis nitong ikinatuwa ang naibigay na rating ng mga validation team mula sa City of Ilagan sa harap ng kanilang pagsusumikap na mapanatili ang maluwag na kalsada.
Aniya, nabigyan na rin ng maayos na lugar ang mga ambulant vendors na dati ay nasa gilid ng mga daan na isang dahilan na nagpapasikip sa daloy ng trapiko.
Isa rin aniya sa nakatulong sa mataas na rating ang mga ginawang pagbabaklas sa mga road obstruction, pagsasaayos ng mga parking area na bunga ngayon ng maluwag na lansangan.
Sa pag-iikot ng validation team ng City of Ilagan at Road Clearing Cauayan Task Force ay tila may mga pasaway pa rin na bumabalik sa mga lugar na nauna nang binakbak dahil sa pagsisikip ng kalsada.
Umaasa naman ang opisyal na susunod ang publiko para maiwasan ang pagbabalik sa masikip na lansangan dahil sa ilang road obstructions.