Cauayan City, Isabela- Hiniling ng Lokal na Pamahalaan ng Ilagan sa publiko na iwasan ang magpanic na magdudulot ng pagkatakot sa mga Ilagueño sa kabila ng may naitala ng kaso ng corona virus sa lungsod.
Ayon kay Ginoong Paul Bacungan, City Information Officer, wala dapat ikabahala ang lahat ng residente sa lugar dahil tinitiyak naman ang mahigpit na pagpapatupad ng health protocols ukol dito.
Aniya, marami na ang kumakalat sa social media kaugnay ng diskriminasyon sa pamilya ng mga covid-19 affected subalit ipinunto nito na may kaakibat na parusa ang sinuman na magtatangkang i-discriminate ang pamilya ng mga ito.
Dagdag pa ni Bacungan, hindi nakauwi sa kani-kanilang barangay ang mga COVID-19 positive dahil idiniretso ang mga ito sa inilaang quarantine facility ng siyudad.
Tumanggi rin na isapubliko ang barangay kung saan kabilang ang mga ito upang maiwasan ang diskriminasyon.
Ipinag-utos din ng LGU sa lahat ng mga barangay sa lungsod na tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng batas para maiwasan ang pagkalat ng virus.