LGU Ilagan, I.S.O Certified Na!

Ilagan City, Isabela – Pormal nang sinertipikahan bilang ISO 9001 standard ang Pamahalaang Lungsod ng Ilagan matapos ang masusing pag-aaral at pagsubaybay ng International Standard Organization kaugnay sa serbisyo-publikong ibinibigay ng nasabing lungsod.

Sa panayam ng RMN News Cauayan kay City Information Officer Paul Bacungan, kanyang ibinahagi na dumaan sa napakaraming proseso, pagsasaayos ng mga dokumento at kinailangang pinuhin din ang mga nakalatag na serbisyo publiko ng lungsod upang ganap na maging sertipikado ng ISO.

Aniya, dahil sa pagtutulungan ng lahat ng departamento hindi naging imposible ang pinakaaasam-asam na sertipikasyon at tuluyang mapabilang sa mga bayan at lungsod na sertipikado ng nasabing organisasyon.


Ibinahagi ni ginoong Ricky Laggui, General Services Officer, ang nasabing sertipikasyon na may bisa mula Nov. 30, 2017 hanggang Nov. 20, 2020 at pirmado ni Ki Ho Pak, presidente ng Korean Management Registrar, sa ginanap na Flag Raising Ceremony kahapon, Enero 29, 2018.

Pinasalamatan naman ni City Mayor Evelyn Diaz ang lahat ng empleyado ng lungsod dahil sa husay at aktibong pagbibigay ng magandang serbisyo sa taumbayan at hinikayat din niya ang mga ito na ipagpatuloy ang nasimulang magandang gawain sa ikauunlad na rin ng lungsod at mamayan ng Ilagan.

Facebook Comments