
Nilinaw ng lokal na pamahalaan ng Quezon City (LGU) na hindi “birthday cake” kundi “birthday packages” ang ipinamamahagi nila sa mga senior citizen sa lungsod.
Kasunod ito ng isang ulat ng modus na tinatarget diumano ang mga senior citizen.
Sa inilabas na pahayag ng LGU ngayong araw, April 11, nagpaalala ang LGU sa publiko, lalo na sa mga senior citizen, na maging mapanuri at huwag magpapapasok ng hindi kakilala sa kanilang bahay.
Ayon sa LGU ng Quezon City, mga pangunahing grocery items tulad ng gatas, pasta at sauce bundle, biskwit, at iba pang produkto ang laman ng birthday packages na ipinamimigay nila para makatulong sa kalusugan ng mga senior citizen.
Dagdag pa rito, mismong barangay umano ang nag-aabot nito buwan-buwan sa mga benepisyaryo base sa opisyal na listahan ng mga residenteng may senior citizen ID.










