Cauayan City, Isabela- Hinihikayat ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela ang lahat ng mga Local Government Unit (LGU) sa probinsya na magpatupad ng mas mahigpit na travel protocols habang sumasailalim sa General Community Quarantine (GCQ) ang Isabela.
Pinagtibay ng pamahalaang panlalawigan ang isang Resolusyon na kinakailangang maging strikto ang bawat munisipalidad at Lungsod sa lahat ng mga pumapasok sa indibidwal galing sa ibang probinsya.
Batay sa Resolution No. 2021-14-04, lahat ng mga travelers na manggagaling sa ibang probinsya o rehiyon ay kinakailangang walang sintomas ng COVID-19 at makapagpakita ng negatibong resulta ng RT-PCR test.
Maging ang mga Locally Stranded Individual (LSIs) at Returning Overseas Filipino (ROF) ay saklaw ng nasabing resolusyon.
Ito ay upang mapababa ang kaso ng COVID-19 at mapigilan ang pagkalat nito sa probinsya.
Sa pinakahuling datos mula sa Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU), nasa 1,504 ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa probinsya.