Liberal Party sa Kamara, wala pang sinusuportahang speaker sa 18th Congress

Manila, Philippines – Nilinaw ng Liberal Party sa Kamara na wala pa silang sinusuportahang Speaker para sa 18th Congress.

Ito ay sa kabila ng pagdalo nila Caloocan Representative Edgar Erice at Quezon City Representative Kit Belmonte sa multi-party caucus na ipinatawag ng kampo ni Leyte Representative Martin Romualdez para pag-usapan ang mga legislative agenda ng Pangulo.

Paglilinaw ni Erice, hindi pa pinal kung sino sa mga Speaker aspirants ang kanilang susuportahan sa July 22.


Paliwanag ni Erice, ang kanilang pagpunta sa caucus ay hindi nangangahulugan ng pagsuporta kay Romualdez kundi naghahanap sila ng posibilidad na mai-lobby sa mga kasamahan ang isinusulong na advocacies ng LP, ang pagtutol sa parusang kamatayan at pagpapababa sa minimum age of criminal liability.

Umiikot aniya sila sa LP para malaman kung ano ang stand ng bawat tumatakbong Speaker sa susunod na Kongreso.

Sa ngayon ay nag-e-explore pa sila sa mga kandidato sa pagka-Speaker at mahalaga na katanggap-tanggap para sa LP ang mga adbokasiya ng susuportahang Speaker.

Facebook Comments