Naantala ang libing ng isang patay nang masindak ang mga tao dahil sa sumulpot na makamandag na ahas sa kalagitnaan ng funeral service sa Leppington Cemetery, South-west Sydney, Australia.
Ayon sa report, isang red-bellied black snake ang nakita sa libingan kung saan saktong ilalagay ang kabaong nitong Miyerkules.
Agad na humingi ng tulong ang funeral director at tumawag sa Reptile Relocation Sydney para ipaalam ang nangyari.
Pagdating ng snake catcher na si Cory Kerewaro, tinalon nito ang kakahukay lamang na lupa para hulihin ang naturang ahas.
Hinawakan nito sa buntot ang ahas at saka inilagay sa bag para maipagpatuloy ang naudlot na libing.
Ayon kay Kerewaro, “I received a phone call from the funeral saying there was a snake.”
Nagsimula na raw nilang ibaba ang kabaong ngunit kinakailangan raw nila itong ibalik paitaas dahil sa pagsulpot ng ahas.
Sa facebook post ni Kerewaro, makikita siyang nasa hukay habang hinuhuli ang naturang venomous snake.
Batay sa ulat ng Australian museum.net, ang kamandag raw ng red-bellied snake ay nakakapagdulot ng sakit ngunit mas kaunti raw ang lasong dala nito kaysa sa ibang mga Australian snakes at hindi naman raw ito nakamamatay.
Nagkakaroon lamang umano ng mild symptoms ang mga nakakagat ng mga ganitong uri ng ahas.
Tinataya namang nasa 140 species ng land snakes sa Australia, 100 dito ay makamandag at labindalawa dito ang may kakayahang pumatay.