Cauayan City, Isabela- Natanggap na ng mga benepisyaryo ng Tulong Pangkabuhayan para sa Disadvantaged/Displaces Workers (TUPAD) at DSWD-AICS program ang kanilang ayuda mula sa DOLE at DSWD.
Umabot sa 1,844 beneficiaries ang natulungan sa mga nasabing programa ng pamahalaan bilang tulong para sa mga nawalan at walang trabaho ngayong panahon ng pandemya.
Nasa 1,534 na manggagawa sa ilalim ng TUPAD program ang tumanggap na ng kanilang sahod para sa sampung (10) araw nilang pagtatrabaho habang 310 na mga Barangay Tanod naman ang nabigyan din ng tulong pinansyal at bigas mula sa DSWD-AICS.
Pinangunahan ni Isabela Governor Rodito Albano III at Vice Governor Faustino “Bojie” Dy III ang pamamahagi ng TUPAD kasama sina Congressman Allan U. Ty ng LPGMA Partylist; ang Provincial Director ng DOL Isabela na si Ms. Evelyn Yango; Mayor Roberto Lungan ng Benito Soliven at ng mga opisyal ng nasabing bayan.
Sa mensahe ni Gov. Albano, pagkatapos ng dalawang (2) buwan, mabibigyan naman ng tulong ang lahat ng mga naglalako sa nasabing bayan mula sa DOLE dahil tuloy-tuloy aniya ang pamamahagi ng tulong ng pamahalaang panlalawigan para sa pangkabuhayan ng mga Isabelino.
Samantala, kasabay ng isinagawang TUPAD payout, dalawang (2) centenarian naman mula sa Benito Soliven ang binigyan ng tseke na nagkakahalaga ng P100,000.00 mula sa pamahalaang panlalawigan ng Isabela.