LIBRENG BIRTH REGISTRATION, IKINASA SA TABUK CITY

Kasalukuyang nagsasagawa ang Local Civil Registrar (LCR) ng Tabuk City at PSA-Kalinga ng “PhilSys Birth Registration Assistance Project (PBRAP) for the City of Tabuk” na naglalayong irehistro ang lahat ng residente ng Tabuk sa Local Civil Registrar at hikayatin ang lahat ng mga mamamayan na delayed ang birth registration na magparehistro ng libre.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Tabuk City Public Information Office, ang naturang proyekto ay para din sa mga Indigenous Peoples na kapus-palad at hindi kayang tustusan ang mga fees at penalties sa pagpaparehistro.

Kasama din sa proyekto ang ‘Out-of-Town Registration of Birth’ kung saan pwede ding irehistro ang mga hindi ipinanganak sa siyudad ng Tabuk.

Hinikayat naman ng lokal na pamahalaan ng Tabuk ang mga mamamayan na magtungo sa kanilang mga Barangay o sa Local Registry Office sa City Hall at magpalista ng pangalan upang maka avail ng libreng Birth Registration.

Facebook Comments