Aprubado na sa joint hearing ng Committee on Basic Education and Culture at Committee on Higher and Technical Education ang “Free College Entrance Examination Act”.
Nakapasa sa ‘subject to amendment and style’ ang House Bill 647 ni Parañaque Rep. Joy Myra Tambunting.
Nakapaloob sa panukalang batas na ililibre na sa bayad ang high school graduates, college entrants, at transferees sa pagkuha ng college entrance examination sa lahat ng mga State Universities and Colleges (SUCs) at Local College and Universities (LUCs) sa buong bansa.
Samantala, oobligahin naman ang lahat ng kolehiyo, unibersidad o institusyon sa private higher education na bigyan ng libreng entrance examination ang mga underprivileged public high school students na kabilang sa top 10 percent ng graduating class.
Suportado naman ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA) ang panukala.
Ayon kay DepEd Asec. Alma Torio, magandang pagkakataon ito para mabigyan ng oportunidad ang mga underprivileged high school students na maipagpatuloy ang kanilang edukasyon hanggang sa kolehiyo.