Inihayag ni Mayor Honey Lacuna-Pangan na libre pa rin ipagkakaloob ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang COVID-19 test sa mga residente nito.
Ito’y sa kabila ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 National Capital Region (NCR).
Ayon kay Mayor Honey, ang libreng RT-PCR testing ay ikinakasa sa anim na district hospitals partikular sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center; Ospital ng Tondo; Justice Abad Santos General Hospital; Ospital ng Sampaloc; Ospital ng Maynila at Sta. Ana Hospital.
Iginiit ng alkalde na malaking tulong ito sa mga residente na maging panatag ang kanilang isipan para masigurong hindi sila nahawaan ng sakit.
Aniya, makakatipid rin ang bawat Manileño kung sasalang sa libreng covid test lalo na’t umaabot ng hanggang ₱3,800 ang gastos kung isasagawa ito sa pribadong hospital o mga clinic.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 213,310 ang kabuuang bilang ng mga residente na sumalang sa libreng covid test kung saan hinihimok ni Mayor Honey ang iba na nakakaranas ng sintomas ng sakit na magpasuri na upang masiguro na ligtas sa COVID-19.