Inihirit ni Rizal Rep. Fidel Nograles na bigyan ng libreng COVID-19 testing ang mga frontline workers na humaharap at tumutugon ngayon sa pandemya.
Ang panawagan ng kongresista ay kasunod na rin ng pagtaas na naman ng kaso ng COVID-19 na pinaghihinalaang dahil sa Omicron variant.
Giit ni Nograles, nararapat lang na tiyakin na ang ating mga modern-day-heroes na mga frontliners ay hindi na mag-aalala sa gastos sa testing at pagpapagamot sakaling mahawaan ng sakit.
Aniya, hindi lang mga healthcare workers ang mga frontliners kundi kasama rin dito ang mga pharmacy attendants, quarantine hotel employees at iba pang mga manggagawang “heavily-exposed” sa mga taong may COVID-19.
Makakatulong din aniya sa pagtugon ng bansa laban sa COVID-19 ang libreng testing sa mga frontliners dahil bukod sa regular silang masusuri ay hindi nila babalewalain ang mga sintomas para makaiwas sa dagdag na gastos.
Suportado rin ng kongresista ang panawagan para sa malawakan at libreng COVID-19 testing ngunit dapat munang ikunsidera bilang unang hakbang tungo sa mass testing ang pagsusuri muna sa mga frontliners.