*San Mariano, Isabela- *Magpapamudmud na ng libreng gamut ang bayan ng San Mariano sa lahat ng mga residente ng nasabing bayan matapos ilunsad kahapon ang Botika ng Barangay sa pangunguna ni USEC Dr. Rolando Domingo ng DOH.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Councilor Susan Duca ng bayan ng San Mariano kung saan ito umano ang pinakauna dito sa bansa na makakapagpamudmud ng libreng gamut sa mga mamamayan bilang Pilot Municipality dito sa bansa.
Aniya, nakumpleto umano ng DOH San Mariano ang mga requirements na kinakailangan ng DOH kaya ito umano ang napili at kauna-unahang bayan na magpapamudmud ng libreng gamut sa mga taga-San Mariano at bilang isa na rin sa mga lugar na nasa remote areas.
Ayon pa kay Councilor Duca, kahit sino umano sa mga residente ng San Mariano ay maaaring kumuha o makinabang sa libreng gamut at kailangan lamang umanong magpalista o magpa-enroll.
Sinigurado rin ni Undersecretary Domingo na hindi umano sila mauubusan ng ipamimigay na gamut at isa sa kanilang mga tutukan ay mga bata kung saan ito umano ang mga kadalasang tinatamaan ng sakit.
Ayon naman kay Regional Director Rio Magpantay ng DOH Region 2, ay magsasagawa muli sila ng programa sa pangkalusugan upang magtuloy-tuloy lamang ang kanilang programa alinsunod na rin umano sa utos ng Pangulo na muling buhayin ang pagbibigay serbisyo sa taumbayan sa pamamagitan ng Botika ng Barangay.