Benito Soliven, Isabela- Hinikayat ni bise Mayor John Paul Azur ang mga kasapi ng Sangguniang Bayan ng Benito Soliven na tiyakin ng mga ito na ang programang libreng pailaw para sa mga mahihirap na wala paring kakayahan na magpakabit ng kuryente bilang pangunahing makikinabang sa nasabing programa ng pamahalaan.
Ayon kay Vice Mayor Azur, dapat ay pag-aralang mabuti ang mga pangalan at kumpirmahin ang mga listahan na isusumite ng mga barangay officials upang matiyak na walang kinikilingan ang mga ito sa pagkakaloob sa naturang proyekto.
Inatasan rin ni VM Azur ang Chairman ng Committee on Energy na si SB member Bong Siquian na makipag ugnayan sa lahat ng mga barangay opisyal sa buong bayan na ilista ang mga mahihirap o indigent sa kanilang barangay na wala paring supply ng kuryente upang mapagkalooban ang mga ito ng libre kaugnay ito sa programang Nationwide Intensification of Household Electrification ng National Government.
Sa pamamagitan ng programang ito ay pagkakalooban ng libreng pailaw ang isang mahirap na pamilya sa pamamagitan ng ISELCO 2 at ng National Electrification Administration (NEA).
Sa ilalim ng programang ito ay pagkakalooban ng libreng kuryente ang mga tahanan wala pa supply nito gaya ng dalawang piraso ng ilaw, isang saksakan ng kuryente, isang kuntador at sampung metro ng dropwire para sa mga indigent na wala pang ilaw sa tahanan.