Libreng sakay para sa mga estudyante, ipagkakaloob ng PCG

Magbibigay ng libreng sakay para sa mga estudyante ang Philippine Coast Guard (PCG) ngayong unang araw ng klase.

Ayon kay PCG Commandant Admiral Artemio Abu, dalawa hanggang tatlong coast guard buses ang i-de-deploy mula alas-6:00 hanggang alas-9:00 umaga at alas-4:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.

Ito’y para maserbisyuhan ang mga estudyante sa Quezon City at Maynila.


Mula Quezon City Hall, bibiyahe ang mga Coast Guard buses para magsakay ng mga pasahero papuntang University Belt sa España, Maynila kung saan iikot din ang mga sasakyan sa Luneta Park bago bumalik sa Quezon City.

Sa pahayag ni Admiral Abu, simpleng tulong nila ito sa mga estudyante sa pagsisimula ng School Year 2022-2023 kung saan kahit papaano ay nais nila masuportahan ang mga kabataan sa pagbabawas ng gastusin sa unang araw ng klase.

Paalala naman ni Admiral Abu sa mga estudyanteng sasakay ng coast guard buses, panatiliin ang pagsusuot ng face mask at laging magdala ng alcohol para maprotektahan ang kanilang sarili sa banta ng COVID-19.

Facebook Comments