Walang pondo sa ilalim ng panukalang 2023 national budget ang Service Contracting Program ng gobyerno na nagkakaloob ng libreng sakay sa publiko habang nagbibigay ng insentibo sa mga kalahok na drivers at operators ng Public Utility Vehicles.
Sa pagdinig ng House Committee on Transportation ay sinabi ni Transportation Undersecretary Marke Steve Pastor na hindi naisama sa 2023 budget ang request ng Department of Transportation o DOTr na P12 billion para sa nabanggit na programa.
Bunsod nito ay binigyang diin ni Pastor, na umaapela ang DOTr sa Kongreso na kung maaari ay mapondohan ang Service Contracting Program para maipagpatuloy ng pamahalaan ang Libreng Sakay hanggang sa susunod na taon.
Ang Service Contracting Program ay inilunsad noong taong 2020 sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act na layuning matulungan ang mga mananakay at mga nasa sektor ng pampublikong transportasyon na apektado ng pandemya.