Bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Women’s Month ngayong Marso, nagsagawa ng libreng serbisyong pangkalusugan para sa mga buntis sa Urdaneta City sa pagdaraos ng 22nd National Buntis Day na may temang “Traditional Roots and Innovation in Nurturing Mothers.”, noong Martes, Marso 10.
Layunin ng programa na magbigay ng kaalaman sa kalusugan ng mga ina at suportahan ang kanilang paglalakbay tungo sa ligtas at maayos na pagbubuntis. Nakinabang ang mga kalahok mula sa mga libreng serbisyong medikal at health education na inihanda para sa kanila.
Kabilang sa mga libreng serbisyong ibinigay sa mga walk-in participants ang prenatal check-up para sa unang 70 buntis, abdominal ultrasound para sa unang 30 buntis na nasa ikalawa o ikatlong trimester ng pagbubuntis, at VIA o cervical cancer screening para sa unang 60 kababaihan.
Isinagawa ang programa sa pakikipagtulungan ng Philippine Obstetrical and Gynecological Society (Northwestern Luzon Chapter–Pangasinan) at ng Urdaneta City Health Office upang mapalawak ang serbisyong pangkalusugan para sa mga ina at kababaihan sa komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








