Libreng swab test ng DOT sa mga turista, ibabalik sa susunod na linggo

Balik na ang libreng RT-PCR test ng Department of Tourism (DOT) para sa mga lokal na turista simula sa Enero 28.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DOT Usec. Woodrow Maquiling Jr., na pansamantalang nasuspinde ang kanilang libreng pa swab test dahil maging ang mga tauhan ng kanilang partner laboratory sa Philippine Children’s Medical Center (PCMC) ay pawang mga tinamaan na rin ng COVID-19 at naka-isolate.

Gayunman, sinabi nito na kumpiyansa silang gagaling na ang mga nagkasakit na personnel ng PCMC at pupwede na ulit tumanggap ng specimen sa susunod na linggo.


Sa ilalim ng programa, 350 aplikante kada araw ang bibigyan ng libreng RT-PCR test.

Ang programa ay bahagi ng kampanya ng ahensya upang itaguyod ang ligtas na tourism destinations at magbigay-daan para sa mas masiglang pagbangon ng industriya ng turismo sa bansa.

Facebook Comments