Lalaki na Nag-aasikaso ng Customer sa Isang Karinderya, Patay sa Pamamaril

55
Cauayan City, Isabela- Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Cabatuan Police Station sa nangyaring pamamaril sa isang lalaki na nag-aasikaso ng isang customer sa pinagtatrabahuhan ng karinderya sa Purok 2, Brgy. Magdalena, Cabatuan, Isabela.

Sa inisyal na panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa himpilan ng PNP Cabatuan, kasalukuyan pang pinaghahanap ang hindi pa nakikilalang suspek na bumaril sa biktimang si Manuel Limon, 49 taong gulang at tagaluto ng karinderya.

Pasado alas singko kaninang madaling araw, Enero 19, 2022 nang mangyari ang pamamaril sa loob mismo ng karinderya na pagmamay-ari ng isang Brgy. Tanod na si Ginoong Delfin Santos.

Lumabas sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, kasalukuyang inaasikaso ng biktima ang isang customer nang bigla na lamang itong lapitan ng isang armadong lalaki at pinagbabaril sa katawan.

Bumulagta sa sahig ang biktima at kalauna’y binawian din ng buhay.

Tumakas naman ang suspek sakay ng kanyang motorsiklo matapos ang ginawang krimen.

Facebook Comments