Cauayan City, Isabela- Tinatayang aabot sa mahigit dalawang (2) libong benepisyaryo ang mabibigyan ng cash assistance ngayong araw sa ilalim ng Social Amelioration Program ng pamahalaan sa Brgy. Rizal, Santiago City.
Isa si Ginang Jennifer Cabutaje na napabilang sa tatanggap ng ayuda sa kabila ng nararanasang krisis dahil sa COVID-19.
Ayon kay Cabutaje, ilalaan niya ang makukuhang pera sa pagbili ng pagkain at iba pang mga pangunahing pangangailangan ng kanyang pamilya.
Giit nito, isa siya sa karapat-dapat na tumanggap ng ayuda dahil sa kanilang sitwasyon sa buhay na naglalabada at umaasa na lamang siya sa mga ibinibigay na relief goods ngayong nasa ilalim ng ECQ.
Kaugnay nito, pinaiiral pa rin ang physical distancing sa pagpila upang makaiwas sa posibleng pagkahawa at pagkalat ng nakamamatay na sakit.
Ang Barangay Rizal ang pinakamalaking barangay sa Lungsod na tinatayang nasa mahigit 5,000 pamilya ang residente dito.