
Inatasan ni House Majority Leader at Presidential Son Sandro Marcos ang House Committee on Labor and Employment at House Committee on Trade and Indsutry na pag-aralan kung paano makatutulong ang telecommuting at flexible work arrangements sa mga manggagawang Pilipino sa harap ng tumataas na presyo ng langis at kuryente.
Nakasaad ito sa House Resolution Number 855 na inihain ni Marcos sa harap ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Gitnang Silangan na banta sa global oil supply chains at pinangangambahang magdudulot ng pagsipa sa presyo ng petrolyo at kuryente.
Layunin ng isinusulong na pagdinig ni Marcos na matukoy ang level of adoption na nabanggit na work arrangements sa pribadong sektor o sa bawat industriya at mga ahensya ng pamahalaan.
Target din sa gagawing hearing ng Kamara na malatag ang magiging kontribusyon ng telecommuting para mabawasan ang konsumo ng bansa sa langis, mabawasan ang problema sa trapiko, at mapababa din ang konsumo sa kuryente sa mga workplaces lugar ng paggawa.
Ang magiging findings at rekomendasyon ng nabanggit na mga komite ay inaasahang isusumite nila kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III kasama ang panukalang batas na magpapalakas at magpapalawak sa implementasyn ng telecommuting arrangements sa buong bansa.










