Manila, Philippines – Tiniyak ngayon ng Philippine National Police (PNP) na wala silang namo-monitor na banta sa seguridad sa paggunita sa ika-32 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Ayon kay PNP Spokesman C/Supt. John Bulalacao, nasa 1,800 pulis ang kanilang ipakakalat para tiyaking ligtas at mapayapa ang mga isasagawang programa sa EDSA kung saan ipatutupad nila ang maximum tolerance.
Pinaalalahanan din nila ang mga militanteng grupo na bawal magsagawa ng kilos protesta sa harapan ng People Power Monument habang isinasagawa ang mga programa dahil walang grupo ang binigyan ng permit ng Quezon City Government.
Nilinaw naman ni Bulalacao na hahayaan na nila ang mga nagnanais magsagawa ng kanilang pagkilos bago o matapos ang inilatag na programa.
Samantala, hindi makakadalo sa ikalawang pagkakataon sa nasabing event si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa may importanteng lakad daw siya sa Mindanao.