Lima, patay sa sunog sa Tondo, Maynila

Patay ang limang tao sa sunog sa 662 Area F, Gate 20 ng Parola Compound sa Tondo, Maynila.

Nagsimula ang sunog alas-11:53 kagabi na umabot sa ika-apat na alarma at tumagal nang higit anim na oras bago tuluyang naapula.

Sa imbestigasyon ng Manila Fire Department, nagsimula ang sunog sa bahay ni Jake Loyola, 37-anyos kung saan isa rin siya sa nasawi kasama ang apat na bata na may edad 12, 10, 8 at 3-anyos


Natagpuan silang lahat sa banyo at posibleng doon na-trap. Samantala, lima rin ang naitalang sugatan dahil sa insidente.

Nasa 300 bahay ang nadamay sa sunog habang 600 na pamilya ang nawalan ng tirahan at tinatayang nasa P3 milyong halaga ng mga ari-arian ang natupok.

Mabilis na kumalat ang apoy dahil dikit-dikit ang mga bahay na karamihan ay gawa sa kahoy at napaulat na may ilang fire volunteer ang nagsi-atrasan dahil may mga residente ang nanggugulo at nais na maunang mabombahan ng tubig ang kanilang bahay.

Bukod dito, may ulat din na isang fire volunteer ang binantaang sasaksakin ng ilang mga residente.

Patuloy na inaaalam ng Manila Fire Department ang sinasabing panggugulo ng mga residente habang inaalam pa ang dahilan ng sunog.

Pansamantala namang nananatili ang mga residenteng nadamay sa sunog sa paligid ng Manila International Container Terminal.

Facebook Comments