Mahigpit na binabantayan ng Anti-Red Tape Authority ang limang ahensya ng pamahalaan na nanguna sa listahan ng may pinakamaraming sumbong ng red tape.
Sa kanyang talumpati sa kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas o KBP general membership meeting sa Makati City, tinukoy ni Anti Red Tape Authority Director General Jeremiah Belgica ang naturang mga ahensya na kinabibilangan ng
Land Transportation Office, Social Security System, Pagibig, Bureau of Internal Revenue, at Land Registration Authority.
Nangako naman na aniya ang mga nasabing ahensya na gagawin ang lahat para masolusyunan ang problema partikular ang mabagal na pagproseso ng mga dokumento sa kani kanilang tanggapan.
Inihalimbawa ni Belgica ang LRA kung saan sa registry of deeds ay inaabot ng syamnapung araw hanggang isang taon bago maproseso ang isang dokumento na dapat ay natatapos lamang sa loob ng tatlo hanggang pitong araw
Naniniwala rin si Belgica na panahon na para gawing automated ang sistema sa mga ahensya ng pamahalaan para sa mas madaling pagproseso ng mga dokumento.
Kabilang sa mga nangunga sa KBP General Membership meeting sina KBP Vice Chairman Butch Canoy ng Radio Mindanao Network, KBP President Ruperto Nicdao Jr. At KBP Chairman Herman Basbaño.
Ang Anti-Red Tape Authority o ARTA ay itinatag nito lamang nakalipas na July.