Gamu, Isabela – Sumuko sa 54th Infantry Battalion at sa Ambaguio Municipal Police Station ang limang kasapi ng New People’s Army o NPA na naka base sa Nueva Viscaya nitong ika-pito ng Mayo taong kasalukuyan sa Brgy Poblacion, Ambaguio, Nueva Viscaya.
Batay sa impormasyong natanggap ng RMN Cauayan, ang limang NPA na Militia ng Bayan ay napasuko sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng mga Barangay Officials ng Brgy. Ammoweg, Ambaguio, Nueva Viscaya sa pangunguna ni Brgy Chairman Heraldo D. Lino.
Ayon naman sa ulat ni Lieutenant Colonel Narciso Nabulneg Jr., Commanding Officer ng 54th Infantry Battalion, ang limang sumuko na Militia ng Bayan ay mga espiya ng NPA particular sa bayan ng Ambaguio.
Ikinagalak naman ni Major General Perfecto M. Rimando Jr., Commander ng 5th Infantry Division ang pagsuko ng limang NPA kaya’t pinuri nito ang pamumuno ng 54th IB, Landing Patrol Base ng 77th IB, PNP Ambaguio at ang mga Brgy Officials ng Ammoweg dahil sa positibong resulta ng kanilang pakikipag-usap sa mga kasapi ng NPA.
Samantala, mula nitong buwan ng Enero ay nakapagtala na ang 5th Infantry Division ng pitumpong NPA kabilang na ang disi sais anyos na si Ka Trese na kusang sumuko sa mga alagad ng batas.