
Limang bansang kasapi na ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) kabilang ang Singapore, Malaysia, at Indonesia ang nagpahayag ng suporta sa isinusulong na regional oil stockpiling framework upang patatagin ang suplay at presyo ng enerhiya sa rehiyon.
Sa press briefing sa International Media Center, ibinahagi ni Trade Secretary Cristina Roque na malaki ang maitutulong ng access sa regional oil stockpiles upang mas mabilis na matugunan ng mga bansa ang mga biglaang kakulangan sa suplay o supply shocks at maprotektahan ang mga negosyo at mamimili.
Bukod sa limang bansang pumayag na sa sistema ng pag-iimbak ng langis, nagpakita na rin ng interes ang United Arab Emirates (UAE) na ilagak ang kanilang oil inventories sa mga bansang may nakahandang pasilidad.
Isang hakbang na inaasahang magpapadali sa pagbili ng langis at magpapabawas sa problema sa logistics.
Bagama’t aminado si Roque na hindi pa lahat ng miyembro ay handang lumagda sa kasunduan at ipiprisinta pa lamang ang mga pag-aaral ukol dito, nakatutok na ang Pilipinas sa pakikipag-ugnayan sa mga bansang bukas sa nasabing programa.
Kasabay nito, itinuring din ng kalihim na magandang hakbang ang paglagda sa memorandum of understanding para sa ASEAN Power Grid na magpapalakas sa power sourcing at pangkalahatang energy security sa Southeast Asia.










