Limang Miyembro ng ‘Budol-Budol’ Gang, Nasakote sa Cabagan, Isabela!

*Cabagan, Isabela- *Arestado ang limang miyembro ng ‘budol-budol’ makaraang pumalpak sa kanilang modus sa brgy, Ugad, Cabagan, Isabela.

Ang mga natimbog ay kinilalang sina Remen Montecillo, Victoria Fernadez, Warren Fernandez, Velbeth Fernadez at Rovi Anne Mari Fernandez na mga tubong San Jose, Catmon, Cebu City at pansamantalang naninirahan sa Mabuhay City, Mamatid, Cabuyao City, Laguna.

Ang biktima naman ay kinilang si Mayjane Allauigan, bente otso anyos, saleslady ng isang botika at residente naman ng brgy. Bungad, San Pablo, Isabela.


Batay sa imbestigasyon ng PNP Cabagan, Nagtungo sa isang bangko ang biktima upang magdeposito ng pera ng kanyang amo nang lapitan siya ng dalawang suspek na sina Victoria at Remen at humihingi ng pabor na kuhanan ng masasakyan upang mailipat ang kanilang umano’y mga dalang isda.

Pinangakuan pa umano ng mga suspek ang biktima na bibigyan nila ito ng sampung libong piso kung magagawa nito ang kanilang hinihinging pabor at pinilit ng mga suspek na kunin ang dalang pouch ng biktima subalit tumanggi ito sa mga suspek.

Agad umanong humingi ng tulong ang biktima at nagkataon naman na nagpapatrolya ang mga pulis sa nasabing lugar kaya’t nahuli agad ang mga suspek maging ang mga kasamahan nito na nakasakay sa isang pulang sasakyan matapos magtangkang tumakas.

Samantala, habang isinasailalim sa body search ang mga suspek ay nasamsaman si Warren Fernandez ng isang sachet ng hinihinalang shabu.

Sa ngayon ay mahaharap sa kaukulang kaso ang mga nasabing suspek.

Facebook Comments