Limitadong face-to-face classes, iginiit ng ilang Senador

Inirekomenda nina Senators Imee Marcos, Nancy Binay at Sherwin Gatchalian ang limitadong face-to-face classes para mas matuto ang mga estudyante na makakagaan din sa kanilang mga magulang, bukod sa kailangan din nila ang interaksyon sa kapwa mag-aaral.

Sa pagdinig ng Committee on Basic Education na pinamumunuan ni Gatchalian ay ipinunto ni Marcos ang pasya ng Inter-Agency Task Force (IATF) na mas unahing buksan ang mga sabungan sa halip na mga paaralan.

Tiwala rin si Marcos na kayang sumunod ng mga guro at mag-aaral sa mahigpit na pagpapatupad ng health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shields at pagpapatupad ng social distancing.


Binanggit naman ni Gatchalian, ang pagbubukas ng massage parlor na may 75% capacity na ibig sabihin ay may improvement na sa COVID-19 situation sa bansa.

Kaya ayon kay Gatchalian, pwede na rin ang limitadong face-to-face classes sa mga lugar na mababa o walang COVID-19 cases tulad sa 496 munisipalidad sa bansa.

Ipinaliwanag naman ni Senator Binay na kung napapayagan ang mga estudyant na pumasyal sa Baguio at Boracay ay mas dapat silang payagan na pumasok na sa mga paaralan.

Sinabi naman ni Department of Education (DepEd) Undersecretary Nepomuceno Malaluan na dapat ay magkaroon ng shared responsibility hinggil dito ang DepEd, mga magulang at lokal na pamahalaan para hindi lang sila ang masisi kapag kumalat ang COVID-19.

Facebook Comments