Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Councilor Gary Galutera, ang Committee Chair on Education, kasabay ng pagsisimula ng limited face to face classes ng ilang paaralan dito sa Cauayan ay nag-ikot rin si Galutera kasama si Councilor Cynthia Uy upang masaksihan ang muling pagpasok ng mga mag-aaral sa kani-kanilang paaralan.
Unang binisita ng grupo ni Galutera ang Pinoma National High School na pinamumunuan ng kanilang school principal na si Ginang Maribeth Dela Peña na kung saan ay nasa 300 na mga estudyante ang lumahok sa face to face classes.
Wala namang naging problema sa pagpasok ng mga estudyante sa naturang paaralan maliban lamang sa kabagalan ng pagkuha sa kanilang temperatura at pagrerehistro ng ilang estudyante sa logbook dahil nag-hang umano ang ginagamit na QR code scanner ng paaralan pero hindi naman aniya ito nakaapekto sa oras ng klase ng mga estudyante.
Samantala, sa pakikipag-ugnayan ni SP Member Galutera sa SDO Cauayan ay madadagdagan pa ng labing lima (15) ang limang (5) mga paaralan sa Lunsod na pinayagang magsagawa ng F2F classes.
Patuloy naman ang gagawing pagbisita sa mga paaralan na nagsasagawa ng F2F classes sa Lungsod para makausap at makumusta ang mga guro at makita rin kung ano yung mga naging problema na kanila namang idudulog sa DepEd at LGU para ito ay maaksyunan.
Ang 50 porsyento naman sa mga estudyante na hindi nakasali sa f2f classes ay itinutuloy pa rin sa dating distance learning set-up.
Lahat naman ng mga estudyante na pumasok at nagklase sa mga nagbukas na paaralan ay Fully vaccinated na kung saan isa ito sa mga requirement para sila ay makapasok sa paaralan at mapabilang sa face to face classes.