Cauayan City, Isabela- Sinimulan na ang pagpapatupad ng limited face-to-face classes nitong lunes, Disyembre 6, 2021 sa limang (5) pampublikong paaralan sa Cauayan City, Isabela.
Kabilang na dito ang Pinoma National High School.
Piling mag-aaral sa ilalim ng Technical Vocational Livelihood Track ng naturang paaralan ang lumahok sa unang araw ng limited face-to-face classes.
Batay sa guidelines ng DepED at DOH, may tig-12 mag-aaral ang maaaring pumasok na naka-enrol sa Bread Pastry Production TVL Food and Beverages services at TVL shielded metal arc welding.
Para matiyak na nasusunod ang panuntunan ng DepED at DOH, gumawa na ang pamunuan ng paaralan ng sistema sa pagpasok ng kanilang mag-aaral.
Kaugnay nito, magsisimula ang pagpasok ng mga mag-aaral mula alas 7:30 ng umaga hanggang alas 12:00 ng tanghali alinsunod sa itinakdang apat at kalahating oras na pananatili ng mga mag-aaral sa mga paaralan.
Tuwing Lunes at Martes, mga mag-aaral ng Grade 11 TVL ang papasok lamang habang huwebes at biyernes naman ang Grade 12 TVL.
Inilaan naman ang araw ng Miyerkules upang magsagawa ng disinfection sa mga silid-aralan.
Tiniyak din ng pamunuan ang pagsunod sa mga safety protocols upang mapanatiling ligtas ang mga mag-aaral laban sa COVID-19.