Lineman ng ISELCO I sa San Isidro Isabela, Pinagbabaril!

140

San Isidro, Isabela – Pinagbabaril kahapon ang isang lineman ng ISELCO matapos iparada ang sasakyan nito at magwala dahil sa kalasingan sa Brgy. Ramon East, San Isidro, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Senior Inspector Joseph Jonathan Binayog, hepe ng San Isidro Police Station, kinilala ang biktima na si Glenn Echanes, tatlumpu’t limang taong gulang, may asawa at residente ng Ramon West, San Isidro, Isabela.

Aniya ang mga suspek ay kinilalang sina Manuel Molina Drapeza,nasa tamang edad; Bernard Drapeza, apatnapu’t walong taong gulang at isang menor de edad na pawang mga residente ng Quezon, San Isidro, Isabela.

Sinabi pa ni Police Senior Inspector Binayog na unang nagkaroon umano ng hindi pagkakaintindihan ang biktima at mga suspek dahil sa ipinarada ni Echanes ang sasakyan nito sa harapan ng bahay ng mga suspek at nagwala dahil sa kalasingan nito.

Dahil dito ay dinumog ng mga suspek ang biktima na nagawa namang makatakbo si Echanes ngunit pinagbabaril naman ni Manuel Drapeza kung saan ay nagtamo ng dalawang tama ng bala sa dibdib at isa sa kanyang tiyan.

Itinakbo sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima para sa karampatang lunas ng kanyang mga sugat samantalang naaresto kaagad sina Bernard at Jerico Drapeza bagamat nakatakas naman si Manuel Drapeza na kasalukuyan paring pinaghahanap ng mga otoridad hanggang sa ngayon.

Facebook Comments