
Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) sa loob ng 90 araw ang lisensya ng driver ng mobile patrol na nasangkot sa aksidenteng ikinamatay ng walong taong gulang na bata sa Koronadal City, South Cotabato.
Bukod sa preventive suspension, inisyuhan din ng show cause order ang driver kaugnay ng insidente noong Nobyembre 10.
Batay sa ulat ng pulisya, binabaybay ng isang motorsiklo ang Sinsuat Street nang mabangga ito ng mobile patrol sa intersection ng General Santos Drive.
Dahil sa lakas ng banggaan, nasawi ang walong taong gulang na batang sakay ng motorsiklo habang nasugatan ang driver nito.
Binigyan naman ng limang araw ang driver ng mobile patrol mula sa pagtanggap ng kautusan upang magpaliwanag kaugnay ng posibleng paglabag sa reckless driving at improper person to operate a motor vehicle.
Samantala, isasailalim din sa beripikasyon ng LTO ang naturang mobile patrol para sa posibleng karagdagang aksyon.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, kailangang managot ang sinumang mapatunayang may pananagutan sa aksidente.










