Nagtakda na ng panahon ang opposition coalition na 1Sambayan para ilabas ang listahan ng mga kabilang sa mga kakandidato sa 2022 national at local elections.
Ayon kay Lead Convener at Retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, gaganapin ito anumang araw sa Setyembre kung saan pormal na ilalabas ang mga posibleng kumandidato.
Nagpapatuloy naman ang pagtanggap at nominasyon ng partido at inaasahang makukumpleto bago ang Setyembre.
Inamin naman ni Carpio na hindi na kasama sa kanilang partido si Senator Panfilo Lacson na kamakailan lamang inihayag ang pagtakbo sa pagkapangulo, dahil sa hindi pagpayag na maging parte ng proseso.
Matatandaang maliban kay Lacson, una nang pinili ng 1Sambayan sina Vice President Leni Robredo, dating Senator Antonio Trillanes IV, Senator Grace Poe, CIBAC Party-list Representative Eduardo Villanueva, Atty. Chel Diokno, at Batangas Representative Vilma Santos-Recto bilang kanilang nominee para sa pagkapresidente at pagkabise-presidente.
Tinanggihan naman ito nina Poe, Diokno at Santos-Recto.