Listahan ng mga kongresistang umano’y sangkot sa korapsyon sa DPWH, isusumite ng PACC kay Pangulong Duterte

Nakatakdang isumite ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang listahan ng mga pangalan ng mga kongresistang umano’y sangkot sa korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ito ay sa gitna ng hamon ng ilang mambabatas na pangalanan ang mga kongresistang sinasabing nakikipagsabwatan sa mga iligal na gawain sa DPWH.

Ayon kay PACC Commissioner Greco Belgica, oras na makumpleto na ang kanilang imbestigasyon, tanging kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa mga kinauukulang ahensya lamang nila ito isusumite.


Aniya, wala sa mandato ng PACC na isapubliko ang mga nakalap nilang impormasyon dahil makakaapekto lamang ito sa kanilang imbestigasyon.

Wala rin aniya silang hurisdiksyon sa mga kongresista at naka-focus lamang ang kanilang imbestigasyon sa isyu ng katiwalian na sangkot ang DPWH officials at mga appointees ng Pangulo.

Samantala, giit ng political analyst na si Prof. Ramon Casiple, dapat na pangalanan ang mga mambabatas na sangkot sa korapsyon sa dphw.

Aniya, pera ng bayan ang pinag-uusapan dito at hindi pera ng iisang tao lang.

“Dapat ilabas lahat ‘yan, public issue ‘yan tsaka pera ng bayan ‘yan. Dapat mahigpit ang gobyerno dyan, ‘yong prosecution ‘no dapat talaga hinahabol ‘yan,” ani Casiple sa interview ng RMN Manila.

Facebook Comments