Isinapinal na ng Kamara ang listahan ng mga empleyado nito na kabilang sa A3 priority group o yung may mga comorbidities na babakunahan ng COVID-19 vaccine ngayong Mayo.
Uumpisahan na kasi ngayong buwan ang inoculation program para sa mga kawani ng Kamara na kabilang sa A3 category ngunit wala pang eksaktong petsa.
Batay naman sa memorandum na ibinaba ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza, inabisuhan ang mga empleyado na magsumite ng Medical Clearance bilang bahagi ng assessment ng mga doctor na magsasagawa ng pagpapabakuna.
Ang naturang medical clearance ang magsisilbing katibayan mula sa evaluating doctor na ang indibidwal ay malusog at maaaring bakunahan.
Makakatanggap naman ng CoronaVac na gawa ng Sinovac Biotech ng China ang mga empleyadong babakunahan ngayong buwan.
Hiwalay pa ito sa biniling 60,000 doses ng Novavax na inaasahang darating naman sa Hunyo o Hulyo.