*Cauayan City, Isabela-* Halos mangiyak-iyak na dumulog sa himpilan ng pulisya ang 24-anyos na OFW na kababalik lamang sa bansa para isumbong ang pagnanakaw ng kanyang live-in partner sa kanilang tinutuluyang boarding house sa Brgy. Bagahabag, Solano, Nueva Vizcaya.
Nakilala ang biktima na si Desiree Tolentino, 24-anyos, dalaga, OFW at residente ng Brgy. Bonfal Proper, Bayombong, Nueva Vizcaya habang ang suspek ay si Francis Cadiente alyas Itok, nasa tamang edad, magsasaka at residente rin ng nasabing lugar.
Batay sa imbestigasyon ng PNP Solano, gumamit lamang ng comfort room ang biktima at nang bumalik ito sa kanilang kuwarto ay iba na ang ikinikilos ng kanyang live-in partner.
Dahil dito, agad na tiningnan ng biktima ang itinagong pera sa ilalim ng foam ng kanilang kama na nagkakahalaga ng isang daang piso (P100,000.00).
Sinita ni Tolentino si Cadiente dahil sa nawawala nitong pera subalit agad itong tumakbo patungo sa palayan.
Agad namang nagsumbong sa himpilan ng pulisya si Tolentino at nagsagawa ng manhunt operation ang mga ito na resulta sa pagkaaresto ni Cadiente ngunit hindi na narekober ang pera na ninakaw nito.
Nakahanda namang sampahan ni Tolentino si Cadiente kung hindi nito babayaran o ibabalik ang kanyang ninakaw na pera.